Nagsagutan sa radyo ang Pilipinas at China sa katatapos lamang na resupply mission para sa mga Pilipinong sundalo na nakatalaga sa BRP Sierra Madre, sa Ayungin Shoal, sa West Philippine Sea.
Sa nakalap na video, pinagsabihan ng China ang Pilipinas na dahil lamang sa diwa ng humanismo kaya pinapayagan ang mga barko nito na may dalang mga pagkain at iba pang pangangailangan, pati na rotating personnel, subalit walang construction materials na ihahatid sa anila ay illegally grounded vessel.
Sinagot naman ito ng Philippine Coast Guard sa pagsasabing alinsunod sa International at Philippine Laws, ang China Coast Guard ang nasa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone, at ang kanilang hakbang ay makaaapekto sa relasyon ng dalawang bansa, kasabay ng pagtiyak na makararating ito sa mga otoridad.
Matagumpay na nakarating ang resupply mission sa Ayungin Shoal kahapon, mahigit dalawang linggo makaraang bombahin ng tubig ng Chinese Coast Guard ang Philippine vessels na maghahatid sana ng mga pangangailangan ng mga tropa na naka-assign sa BRP Sierra Madre noong Aug. 5. —sa panulat ni Lea Soriano