Nilinaw ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na walang isyu sa resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal, kasabay ng pagbibigay diin na saklaw ito ng special agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
Gayunman, sinabi ni Huang, na nagkaroon ng problema nang mag-transport ang Pilipinas ng malalaking construction materials, na hindi kinumpirma ng pamahalaan.
Ginawa ng Chinese Ambassador ang pahayag sa dinaluhang 9th Manila Forum sa Quezon City kahapon.
Tumanggi naman si Huang na magbigay ng iba pang detalye nang tanungin ng media tungkol sa naging hakbang ng China Coast Guard at kung inatasan ba ito na itigil ang pag-atake sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Aug. 5 nang bombahin ng tubig ng Chinese Coast Guard vessels ang Philippine resupply boats sa gitna ng resupply mission. —sa panulat ni Lea Soriano