Pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang posibilidad na mag-share ng lane ang mga bisikleta at motorsiklo sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi ni MMDA Acting Chairperson Romando Artes na “underutilized” kasi o hindi masyadong nagagamit ng mga bisikleta ang EDSA bike lane.
Sa Aug. 29 ay magpapatawag ang MMDA ng stakeholders meeting kung saan inaasahan ang pagdalo ng grupo ng mga siklista at grupo ng motorcycle riders.
Isa sa mga hamon na tinitignan ng MMDA sa nasabing plano ay ang napakaraming bilang ng motorsiklo na dumadaan sa EDSA.
Sa datos ng MMDA Traffic Engineering Center, as of July 17, nasa 165,000 na motorsiklo ang bumabagtas sa EDSA kada araw.
Bukod sa road sharing, pinag-aaralan din ng ahensya ang paglalagay ng elevated walkway at bikeway sa EDSA, mula Guadalupe sa Makati City hanggang Cubao sa Quezon City. —sa panulat ni Lea Soriano