dzme1530.ph

Panibagong resupply mission ng Pilipinas, inaabangan ng China

Isang barko Chinese Coast Guard ang namataan sa Panganiban Reef o Mischief Reef at inaasahang haharangin nito ang bagong resupply mission ng Pilipinas patungong BRP Sierra Madre, ayon sa Maritime Security Expert na si Ray Powell.

Nakatanggap din ang Armed Forces of the Philippines ng kaparehong ulat at naghahanda na ang mga sundalo sakaling maulit ang water cannon incident noong Aug. 5.

Sinabi ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner na haharangin ang resupply ships ng Pilipinas ng iba’t ibang barko na kinabibilangan ng Chinese Coast Guard, fishing vessels, at maritime militia upang maitaboy at hindi makarating ang Philippine vessels sa Ayungin Shoal.

Tumanggi nang magbigay ng iba pang detalye si Brawner tungkol sa resupply upang protektahan ang mga sundalong ipadadala sa misyon.

Idinagdag ng AFP Chief na pananatilihin ng militar ang tolerance o pagtitimpi sakaling maulit ang agresibong hakbang ng China. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author