dzme1530.ph

DepEd, papalitan ang mga nasirang textbooks at modules sa binahang paaralan sa Bulacan

Papalitan ng Department of Education ang mga textbook na sinira ng baha sa Bulacan habang nagpapatuloy ang paglilinis sa mga binahang paaralan para sa nalalapit na muling pagbubukas ng mga klase.

Tinawid ng mga magulang, guro, at mga mag-aaral ang ilang pulgadang baha para maipagpatuloy ang paglilinis sa Doña Damiana de Leon Macam Memorial Elementary School sa Calumpit na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo ilang linggo na ang nakalilipas.

Nakatambak sa labas ng naturang paaralan ang mga nasirang libro na basang-basa at nangangamoy, pati na mga nalagas na modules.

Sinabi ng DepEd na magre-request ang kanilang Schools Division Office (SDO) sa lalawigan ng mga kapalit pagkatapos ng imbentaryo para sa mga pangangailangan ng eskwelahan.

Gumawa na rin ang sdo ng Emergency procurement para sa modules na idi-deliver sa Bulacan sa Biyernes, bago mag-umpisa ang mga klase sa Aug. 29. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author