Nanumpa ng katapatan sa Republika ng Pilipinas ang bagong Naturalized Basketball Player na si Justin Donta Brownlee.
Ito’y makalipas ang ilang araw makaraang lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act 11937 na nagbigay ng Philippine Citizenship sa import ng Barangay Ginebra San Miguel.
Ang oathtaking ay pinangasiwaan ni Senate Justice and Human Rights Committee Chairman Francis Tolentino, kahapon.
Si Brownlee ay ikinu-konsidera para sa line-up ng Gilas Pilipinas, sa gitna ng kanilang paghahanda para sa nalalapit na pakikipagsagupa sa koponan ng Lebanon at Jordan sa sixth at final window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Pebrero.
Ang Pilipinas, kabilang ang Japan at Indonesia, ang magho-host sa FIBA World Cup sa agosto.
Sa katatapos lamang na 2022 PBA Commissioner’s Cup, pinarangalan si Brownlee bilang Best Import of the Conference na kanyang ikatlong award sa kanyang PBA Career.