Tiniyak ni Dept. of Trade and Industry Sec. Alfredo Pascual na walang shortage sa mga school supply sa bansa.
Ito’y matapos makarating ang sinasabi ng mga tindero na nahihirapan silang makapag-source ng mga papel at notebooks para ibenta.
Kahapon, matatandaang pinangunahan ni Pascual ang inspeksyon sa mga tindahan sa Divisoria sa Maynila upang suriin kung sumusunod ang mga seller sa Suggested Retail Price (SRP) list para sa mga gamit sa paaralan.
Ilan sa may-ari ng mga tindahan ang umamin na nagtaas sila ng presyo dahil sa iba’t ibang rason, gaya ng kakulangan sa ilang suplay ng produkto at mataas na halaga ng raw materials.
Kaugnay nito, nagpaalala si Pascual sa mga bibili ng school supplies na ugaliing gawing gabay ang SRP list ng ahensya upang maiwasang masingil ng sobra o overpriced sa mga bibilhing produkto. —sa panulat ni Airiam Sancho