Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill no. 8463 o ang Proposed Food Bank and Stockpile Act, kung saan 274 mambabatas ang bomoto at walang bumoto laban dito o nag-abstain.
Layunin ng panukalang batas na atasan ang ilang ahensya ng gobyerno na lumikha ng stockpile para matiyak ang suplay ng pagkain at iba pang mahahalagang produkto na maging sapat sa panahon ng kalamidad.
Ang Disaster Food Bank and Stockpile ay itinatag bilang central repository at supply reserve ng pagkain, tubig, gamot, mga bakuna at antidotes, at iba pang medical supplies, at essential goods gaya ng portable power source, first aid kits, portable light source, mga damit, tent, at communication devices sa bawat lalawigan at Highly-Urbanized City sa Pilipinas.
Pangungunahan naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at Dept. of Social Welfare and Development ang Inter-Agency body, kabilang din ang DPWH, DTI, D.A, DOST, at DILG.
Samantala, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na ang panukalang batas ay magpapahintulot sa gobyerno na mas makapaghanda sa iba’t ibang kalamidad, lalo’t ang Pilipinas ay vulnerable sa bagyo, landslides, lindol, at volcanic eruptions. —sa panulat ni Airiam Sancho