dzme1530.ph

Pagsibak sa suspendidong MIAA Chief at sa deputy nito, ipinag-utos ng Ombudsman

Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak kina suspended Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Cesar Chiong at Assistant General Manager Irene Montalbo bunsod ng Grave Misconduct, Abuse of Authority and Misconduct, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.

Nag-ugat ang desisyon ng Ombudsman mula sa reassignment ng 285 MIAA employees sa loob lamang ng wala pang isang taon nang walang basehan, pati na ang pagtatalaga kay Montalbo sa pwesto nito sa kabila nang unsatisfactory rating nito na makikita sa kanyang 2020 Office Performance Commitment and Review sa NAIA Terminal 1 na kanyang pinamunuan.

Sina Chiong at Montalbo ay una nang pinatawan ng preventive suspension ng Ombudsman noong Abril ngayong taon.

Bunsod nito, inatasan ng Ombudsman ang Department of Transportation na ipatupad ang desisyon at magsumite ng compliance report sa loob ng 5-araw mula nang matanggap ang nasabing ruling. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author