Tumaas ng P367 million ang traveling expenses ng Office of the President (OP) noong 2022 kumpara noong 2021, bunsod ng official trips ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa anim na bansa, ayon sa Commission on Audit.
Sa Annual Audit Report ng COA sa OP, sinabi ng state auditors na umabot sa P403 million ang ginastos ng opisina para sa biyahe ng Pangulo noong 2022, na kinabibilangan ng Singapore, Indonesia, US, Cambodia, Thailand at Belgium.
Mas mataas ito ng 996% kumpara sa ginastos noong 2021 na P36.8 million.
Samantala, bumaba naman ang traveling expenses para sa local engagements ng OP sa P10.8 million noong 2022 mula sa P11.5 million noong 2021. —sa panulat ni Lea Soriano