Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Transportation Network Vehicle Services (TNVS) na Grab Philippines hinggil sa pagsingil ng “price surge” at P 85 na Minimum Base Fare para sa short trips na hindi otorisado ng ahensya.
Binigyan ng LTFRB ang Grab ng limang araw para mag-sumite ng datos kung ilang beses silang naningil ng Minimum fare na 85 pesos para sa short trips.
Sa ilalim ng Fare matrix na inaprubahan ng LTFRB noong Setyembre 2022, ang minimum na pasahe para sa Sedan-type TNVS ay 45 pesos; 55 pesos naman para sa AUV at SUV-type TNVS at 35 pesos para sa Hatchback-type TNVS.
Kahapon ay isinagawa ng LTFRB ang huling hearing sa isyu ng “surge pricing.”
Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, na ilalabas nila ang desisyon sa unang linggo ng Pebrero.