Dumami pa ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa noong Hunyo, ayon Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa labor force survey ng ahensya, sinabi ni National Statistician at PSA Chief Claire Dennis Mapa na bahagyang tumaas sa 4.5% o katumbas ng 2.33 million ang unemployed individuals noong Hunyo mula sa 4.3% o katumbas ng 2.17 million noong Mayo, at mas mababa naman kumpara sa naitalang 6% o katumbas ng 2.99 million na walang trabaho noong June 2022.
Sa kabila ng pagtaas ng unemployment rate, bahagya ring dumami sa 95.5% o katumbas ng 48.84 million ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho noong Hunyo, mas mataas kumpara sa 48.26 million na nai-ulat noong Mayo at 46.59 million noong Hunyo ng nakaraang taon.
Iniuugnay naman ang nasabing bilang ng employment rate sa mataas na labor force participation sa agriculture at industry sectors. —sa panulat ni Airiam Sancho