dzme1530.ph

China, pinaaalis ang BRP Sierra Madre sa Spratlys; Pilipinas, hindi aabandonahin ang Ayungin Shoal

Inakusahan ng China ang Pilipinas na permanenteng inu-okupa ang Ayungin Shoal, kasabay ng muling pagde-demand na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na tinatawag nilang Ren’ai Jiao.

Inilabas ng Chinese Ministry of Foreign Affairs ang statement bilang bahagi ng komento nito sa pagkondena ng US State Department sa pagharang ng China sa Philippine vessels na nasa resupply mission.

Nakasaad din sa statement na noong 1999 ay nagpadala ang Pilipinas ng military vessel at sinadya ang pagsadsad nito sa Ren’ai Jiao, at plano rin na i-overhaul ang barko para permanente na nitong ma-okupa ang naturang teritoryo sa Spratly Islands.

Ilang ulit na umanong nangako ang Pilipinas na aalisin ang BRP Sierra Madre subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito naaaksyunan.

Una nang tiniyak ng gobyerno ng Pilipinas na hinding-hindi aabandonahin ng mga Pilipino ang Ayungin Shoal. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author