Iisyuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng notice of violation ang construction company na in-charge sa LRT-1 North Extension-Common Station project bunsod ng heavy traffic na idinulot nito sa EDSA sa Quezon City noong Sabado.
Naipit sa matinding trapik ang mga motorista sa EDSA Northbound makaraang lahat ng lanes ay isinara bunsod ng construction activity para sa Common Station, at tanging Zipper Lane o ang EDSA Carousel Bus Lane ang binuksan.
Sa Notice of Violation na nilagdaan ni MMDA Assistant General Manager for Operations Assistant Sec. David Angelo Vargas, ipinag-utos sa construction company na agad itigil ang kanilang aktibidad.
Inatasan din ang kumpanya na magpadala ng kinatawan sa tanggapan ng MMDA sa loob ng isang araw, pakatanggap ng notice, at asahan na ang ipapataw na penalty ng ahensya. —sa panulat ni Lea Soriano