Dinepensahan ng Department of Education (DepEd) ang proposed P150-M na budget para sa confidential expenses sa 2024, sa pagsasabing gagamitin ito sa pagtugon sa illegal recruitment activities sa mga paaralan sa buong bansa.
Ipinaliwanag ni DepEd Usec. at Spokesperson Michael Poa na gugugulin ng ahensya ang P150-M sa pangangalap ng mga impormasyon sa iligal na pagre-recruit sa mga eskuwelahan at matuldukan na ang mga ganitong aktibidad.
Sinabi pa ni Poa na ang mga impormasyon na kanilang makakalap ay gagamitin nila sa pagbuo ng mga proyekto, aktibidad at mga programa laban sa hakbang na maaring magdulot ng kapahamakan sa mga guro at mga mag-aaral.
Kabuuang P10.142-B ang inilaan para sa confidential at intelligence funds para sa susunod na taon sa lahat ng government agencies, na ang pinakamalaking share ay mapupunta sa Office of the President na may P4.51-B. —sa panulat ni Lea Soriano