Posibleng alisin na ng World Health Organization (WHO) ngayong taon ang deklarasyon sa COVID-19 Disease bilang Public Health Emergency.
Matatandaang idineklara ng WHO ang COVID-19 Outbreak bilang Public Health Emergency of International Concern noong 2020 at bilang pandemic noong Marso 11, 2020.
Ipinaliwanag ng WHO na sa kasalukuyan, kaya nang i-track ang virus at nagagamot na ang mga pasyenteng tinatamaan nito bukod pa sa naiiwasan nang ma-develop pa sa mas malalang karamdaman ang COVID-19 infection.
Gayunman, iginiit ng organisasyon na kritikal pa rin ang surveillance at monitoring sa mga infection dahil may mga bagong variants na lumalabas na mas madaling maakahawa.
Sa kabilang dako, aminado ang WHO na imposible pa rin ang tuluyang mawala sa mundo ang COVID-19 Virus subalit umaasa silang mababawasan na ang transmission nito.
Muling ipinaalala ng WHO ang kahalagahan ng pagbabakuna kasama na ang pagpapaigting sa Booster Shots lalo na sa mga most vulnerable sa virus.
Bagama’t hindi na sapilitan ang pagsusuot ng face mask sa maraming bahagi ng mundo, iginiit ng ahensya na isa pa rin ito sa tinatawag na hallmarks sa COVID-19 Response.