Tiwala ang Department of Agriculture na bababa sa P100 hanggang P150 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa sandaling dumating na ang mga aangkating produkto.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Deputy Spokesperson Rex Estoperez, inaasahan nilang darating ang mga imported na sibuyas sa January 27 upang hindi sumabay sa Harvest season ng mga lokal na magsasaka sa susunod na buwan.
Aminado naman si Estoperez na kailangan nilang magbigay ng limit kung kailan at kung gaano karami ang aangkating sibuyas bilang proteksyon sa mga magsasaka.
Una nang pinayagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang importasyon ng mahigit 21,000 metric tons ng sibuyas upang solusyunan ang mataas na presyo nito.
Ayon sa DA, 50 percent ng imported na sibuyas ay ipamamahagi sa Luzon habang ang Visayas at Mindanao ay tig-25 percent.
Samantala, bukas naman ang ahensya sa isasagawang imbestigasyon ng ombudsman sa alegasyon ng pagbili ng sibuyas mula sa isang kooperatiba sa halagang P537 kada kilo.