Aabot sa P1.50 hanggang P2.00 kada kilo ang nadagdag sa presyo ng bigas kasunod ng pananalasa ng ilang bagyo sa bansa.
Ito ang inihayag ni Dept. of Agriculture Deputy Spokesperson Rex Estoperez na base sa kanilang monitoring ay tumaas ang kada kilo ng bigas matapos ang paghagupit ng bagyong Egay at pinalakas na habagat na nag-iwan ng halos P2-B halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura.
Nilinaw rin ng opisyal na hindi lamang presyo ng naturang produkto ang nadagdagan kundi pati na ang mga gulay.
Binigyang-diin naman ni Estoperez na posibleng ma-stabilize ng National Food Authority (NFA) ang presyo ng bigas kung mayroong sapat na stock nito.
Ngunit base sa imbentaryo, mababa ang suplay ng nasabing produkto dahil hindi nakabili ng bigas ang NFA mula sa mga magsasaka bunsod ng mababang presyo na iniaalok. —sa panulat ni Airiam Sancho