Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang nakitang traces ng langis sa paligid ng sumadsad na tugboat sa Brgy. San Vicente, Santa Ana, Palaui Island.
Ayon sa PCG, nagkasa ng isang komprehensibong Oil spill assessment ang Marine Environmental Protection Force (MEP) upang masiguro na hindi nagkaroon ng oil spill sa paikot ng M/TUG SEDAR 7.
Nabatid na sumilong lamang ang naturang tugboat dahil sa malakas na bagyong Egay ngunit hinampas ito ng malalakas na alon kaya ito napadpad sa mababaw na bahagi ng karagatan.
Bagaman walang napaulat na nasaktan sa mga crew nito, isasailalim pa rin sa masusing imbestigasyon ang naturang insidente. —sa panulat ni Jam Tarrayo