Idineklara na ang State of Calamity sa ilang bayan sa Pampanga dahil sa patuloy na pananalasa ng malalakas na pag-ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) – Pampanga, isinailalim sa State of Calamity ang mga Munisipalidad ng Macabebe, San Sinom, Sto. Tomas at San Luis.
Dagdag pa nito, sa kanilang pinakahuling pagtataya, lumabas na nasa 222 na mga barangay sa 16 na municipalities sa lalawigan ang lubog pa rin sa baha.
Habang sa datos naman ng Office of Civil Defense Central Luzon, halos 200,000 pamilya ang apektado ng baha sa Region 3 ngunit tiniyak na nagpapatuloy ang relief operations sa mga biktima.
Nabatid na bagaman nakalabas na ang bagyong Egay sa Philippine Area of Responsibility noong nakaraang linggo ay tuloy-tuloy pa rin itong nakakaapekto sa bansa at dahil na rin sa kasunod na bagyong Falcon na nagdala ng mas malakas na pag-ulan. —sa panulat ni Jam Tarrayo