Target ng Dept. of Transportation na pagsamahin ang operasyon at maintenance ng Metro Rail Transit Line 3 at Light Rail Transit Line 2 sakaling ma-isapribado ang mga ito bago ang 2025.
Ayon kay DOTr Usec. for Railways Cesar Chavez, aabot sa 25 hanggang 30 years ang concession agreement na nakikita ng ahensya para sa MRT-3, at pinag-aaralan nila na i-bundle ito sa LRT-2.
Napag-alaman na ang Build-Lease-Transfer (BLT) Agreement sa pagitan ng gobyerno at Metro Rail Transit Corp. ay matatapos sa 2025.
Sakali aniya na magdesisyon ang pamahalaan na pagsamahin ang dalawang railway systems, ang MRT-3 ay ililipat sa pangangasiwa ng Light Rail Transit Authority (LRTA), na operator ng LRT -1.
Sa ngayon, ang gobyerno ang nagpapatakbo sa MRT-3, habang ang MRTC na pagmamay-ari ng Metro Rail Transit Holdings II Inc. ay pinamumunuan ng negosyanteng si Robert John Sobrepeñas, na responsable para sa pagde-desenyo at konstruksyon ng EDSA Rail Transit System.
Ang MRTC at gobyerno, sa ilalim ng Dept. of Transportation and Communications ay lumagda sa BLT Agreement noong 1997 kaugnay sa pagtatayo at pagme-maintain ng MRT-3. —sa panulat ni Airiam Sancho