Nais masukat ni Sen. Win Gatchalian ang kahandaan ng mga paaralan sa School Year 2023-2024 sa gitna ng pag-aalis ng deklarasyon ng state of public health emergency dahil sa COVID- 19.
Sa kanyang Senate Resolution No. 689, nais ni Gatchalian na masuri kung handa ito sa mga hamon at kung magiging epektibo ang parehong face-to-face classes at alternative delivery modes.
Dapat din aniyang bigyang konsiderasyon ang mga panawagang ibalik ang summer break mula Abril hanggang Mayo.
Ipinaalala ng senador na bukod sa pagwawakas ng public health emergency na dulot ng COVID-19 at ang banta ng El Niño, mas maikli na rin ang school break sa pagbabago sa school calendar.
Para sa taong ito, nakatakda ang school break mula Hulyo 8, 2023 hanggang Agosto 27, 2023, katumbas ng 51 araw.
Sa gitna ng break na ito, may mga remedial classes sa mga pampublikong paaralan mula Hulyo 17, 2023 hanggang Agosto 26, 2023.
Nakatakdang magsimula ang school year (SY) 2023-2024 sa Agosto 28, 2023 at magtatapos sa Hunyo 28, 2024.
Sinabi ng senador na sa gitna ng patuloy na pagbangon mula sa pandemya at pagbabalik sa normal ng sektor ng edukasyon, napapanahong suriin ang kahandaan ng ating mga paaralan para sa patuloy na paghahatid ng edukasyon.
Ito ay dahil nagpapatuloy pa rin ang mga hamon at pinsalang dulot ng pandemya. –ulat mula kay Dang Garcia, DZME News