Balik na sa normal ang operasyon ng transmission facilities ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Luzon na naapektuhan ng hagupit ng bagyong Egay.
Ayon sa NGCP, nakumpuni na ang San Esteban-Bangued 69kilovolt line na nagsusuplay ng kuryente sa buong probinsya ng Abra kahapon ng umaga.
Maliban sa Abra, balik na muli ang serbisyo ng kuryente sa mga lalawigan ng Benguet, Aurora, Nueva Ecija, Cagayan, Ilocos Sur, at La Union.
Ipinaliwanag naman ng NGCP na ang natitirang unavailable line na Bantay-Banaoang 69kv line ay direktang nakadugtong sa isang industrial customer.
Samantala, tiniyak ng NGCP na patuloy ang kanilang pagbabantay sa lagay ng panahon at handang i-activate ang Overall Command Center sakaling may panibagong banta sa transmission facilities. –sa panulat ni Airiam Sancho