Patuloy na binabaybay ng bagyong Egay ang karagatan sa kanluran ng Batanes partikular sa extreme northern Luzon at huling namataan sa layong 195 kilometers kanluran ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 150 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 185 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyong Egay pa hilagang-kanluran, sa bilis na 15 kilometers per hour.
Ayon pa sa PAGASA, bagaman palayo na ang bagyo sa area ng extreme northern Luzon nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 2 sa bahagi ng Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte at hilaga at gitnang bahagi ng Ilocos Sur.
Signal no.1 naman sa Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Mountain Province, Ifugao, Benguet, the rest of Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, at hilagang bahagi ng Zambales.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalabas ng teritoryo ng Pilipinas ang bagyong Egay ngayong umaga o mamayang hapon.
Dagdag ng PAGASA may minomonitor silang Low Pressure Area na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility, silangan ng Mindanao, na posible ring maging bagyo ngayong araw. —sa panulat ni Joana Luna