Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magkakaroon ng libreng sakay sa ilang ruta sa Metro Manila na maaapektuhan ng napipintong tatlong araw na transport strike sa susunod na linggo.
Sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na dalawa hanggang tatlong ruta ang kanilang tinukoy sa National Capital Region na masasaklaw ng transport strike na ikinakasa ng grupong Manibela sa July 24 hanggang 26.
Ang unang araw ng tigil pasada ay sabay sa ikalawang State of the Nation Address o SONA ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Tiniyak ni Guadiz na maraming nakahandang sasakyan para sa libreng sakay, at gaya ng karaniwang proseso ay kinausap na nila ang mga bus company at ibang jeepney associations para punan ang mga ruta na apektado ng strike.
Pinanindigan ng Manibela ang kanilang desisyon na ituloy ang tatlong araw na tigil pasada para tutulan ang PUV Modernization Program sa kabila ng babala ng pamahalaan na posibleng kanselahin ang kanilang mga prangkisa. —sa panulat ni Lea Soriano