Ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas ang petisyon na kumukwestyon sa legalidad ng mga kautusan ng Inter Agency Task Force on Emerging Diseases na may kinalaman sa COVID-19.
Sa en banc session ng Supreme Court, sinabi nito na walang batayan para paburan ang mga consolidated petition na Montenegro Jr vs IATF et al, Perlas III vs IATF et al at pasahero et al vs IATF at Duque.
Ayon sa petitioners, dapat umanong ideklarang unconstitutional ang mga kautusan ng IATF tulad ng mandatory vaccination, pagsusumite ng mga negative RT-PCR test kada ikalawang linggo na gastos ng taumbayan at maraming iba pa.
Sabi ng Korte Suprema, nilabag ng mga petitioners ang Doctrine of Hierarchy of Courts kung saan dapat ang petisyon ay isinampa muna sa Mababang Korte. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News