dzme1530.ph

Pagkontrol sa inflation, nangungunang alalahanin pa rin ng mga Pilipino —Pulse Asia

Nananatiling most urgent concern ng mga Pilipino ang pagkontrol ng Marcos administration sa inflation.

Sa June 19 to 23, 2023 survey ng Pulse Asia, 63% ng 1,200 respondents ang nagsabing nangungunang alalahanin nila ay ang pagtugon ng pamahalaan sa paggalaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Halos wala itong pagbabago kumpara noong unang quarter ng taon.

Pumangalawa naman ang pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa na nasa 44%, sumunod ang paglikha ng mas marami pang trabaho, 31%; mabawasan ang kahirapan, 30% habang pang-lima ang paglaban sa korapsyon, 25%.

Nakakuha naman ng tig-16% ang pangangailangan na maipatupad ang batas para sa lahat, maimpluwensyang tao man o ordinaryo, at pagtugon sa problema sa involuntary hunger; habang ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka, kabilang ang pagbebenta ng kanilang mga produkto ay nakapagtala ng 15%.

Ang iba pang isyu na nais ng mga Pinoy na matugunan ay ang paglaban sa kriminalidad, pagsusulong ng kapayapaan sa bansa, pagtulong ng pamahalaan sa maliliit na negosyante, pababain ang buwis na binabayaran ng mga mamamayan, itigil ang pagsira sa kalikasan, ipagtanggol ang territorial integrity ng bansa, labanan ang banta ng terorismo, at protektahan ang kapakanan ng overseas Filipino workers. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author