Umabot na sa P80.59-B na halaga ng investments ang inaprubahan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa unang anim na buwan ng taon.
Sa statement, sinabi ng PEZA na binigyan ng go signal ng kanilang board ang 102 Economic Zone Developer-Locator Projects simula Enero hanggang katapusan ng Hunyo.
Mas mataas ito ng 258% kumpara sa P22.49-B na halaga ng mga proyekto na inaprubahan sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa buwan lamang ng Hunyo ay lumobo ng 814% ang PEZA-Approved Investments na P32.56-B kumpara sa P3.56-B noong June 2022.
Ang 22 proyekto na inaprubahan noong ika-anim na buwan ay tinatayang makalilikha ng $481.88-M na halaga ng exports at 3,475 na trabaho. —sa panulat ni Lea Soriano