dzme1530.ph

DOH, FDA, hinimok na i-regulate ang marketing campaign ng mga pagkaing may negatibong epekto sa kalusugan

Hinimok ni Senate Committee on Health chairperson Christopher ‘Bong’ Go ang Department of Health (DOH) at ang Food and Drugs Administration (FDA) na paigitingin ang pagbabantay kontra sa mga advertisement ng mga pagkaing may mataas na saturated fatty acid, trans-fatty acids, free sugar at salt.

Sa gitna ito ng rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) sa lahat ng pamahalaan sa buong mundo na magpatupad ng mahigpit na polisiya upang protektahan ang  kabataan sa mga advertisement na nakakaapekto sa kanilang dietary choices.

Ipinaalala ng senador na tumataas na ang kaso ng mga diet-related na sakit tulad ng diabetes, sakit sa puso, at obesity lalo na sa mga kabataan.

Dahil dito mahalaga anyang mabantayan ang marketing ng mga pagkain at inumin na napatunayan nang may negatibong impluwensya sa mga kabataan.

Para kay Go, kailangang ikategorya at tukuyin ng gobyerno kung ano ang mga food products na dapat limitahan lang ang marketing para epektibong maregulate ang ads sa iba’t ibang media platforms.

Hinikayat din ni Go ang publiko na alagaan ang kani-kanilang kalusugan, lalo na ng mga kabataan, at makiisa sa kampanya laban sa unhealthy food marketing. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author