dzme1530.ph

MWSS, dapat maging proactive sa problema sa water supply

Nanawagan si Sen. Grace Poe sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na agad aksyunan ang planong water service interruption na makaaapekto sa 600,000 customers ng Maynilad Water Services Inc. simula July 12.

Sinabi ni Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services na hindi maaaring magsawalang bahala ang MWSS dahil dumadalas, humahaba ang oras at dumadami ang apektado dito sa water interruption na hindi anya katanggap-tanggap.

Sa abiso ng Maynilad, posibleng makaranas ng hanggang siyam na oras na water service interruption ang kanilang mga customer simula sa July 12 dahil sa bumababang water level sa Angat Dam.

Nais ni Poe na alamin ng MWSS kung sumusunod pa sa kanilang obligasyon ang Maynilad alinsunod sa kanilang prangkisa.

Iginiit ng senador na dapat proactive ang MWSS ay hindi lamang dapat ito nagdadala ng bad news sa publiko.

Dapat anyang nag-invest na ang Maynilad sa mga imprastraktura upang matugunan ang pangangailangan ng publiko.

Hindi anya dapat umasa na lang sa lakas ng buhos ng ulan dahil napapansin ng senador na kapag may water shortage, Angat Dam lagi ang sinisisi. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author