dzme1530.ph

Estados Unidos, nagpaliwanag sa pag-landing ng US military aircraft sa NAIA nang walang clearance

Nagpaliwanag na ang pamahalaan ng Estados Unidos kaugnay sa paglapag ng isang US military aircraft sa Ninoy Aquino International Airport.

Ito ay sa pamamagitan ng liham na ipinadala kay Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Imee Marcos ni US Ambassador to the Philippines Mary Kay Carlson na may petsang Hulyo 6.

Kinumpirma ni Carlson na lumapag sa NAIA ang Boeing C-17 transport aircraft na bahagi ng bilateral military exercise ng Pilipinas at US.

Ipinaliwanag ng opisyal na ang pag-landing ng eroplanong pandigma ay alinsunod lamang sa patakaran ng Philippine Customs at Immigration Bureaus.

Ayon pa kay Carlson, nagkaroon ng ‘clerical error’ para sa flight clearance at walang nangyaring koordinasyon sa NAIA ang kanilang flight planners.

Subalit may clearance anya mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang military aircraft na sa Palawan ang destinasyon.

Ibinahagi rin ni Carlson kay Marcos na ang kargamento ng eroplano ay mga kagamitan para sa US Marine Corps Mobile Operation Center at ang isang sakay na hindi kasama sa crew ay isang US Marine na ang unit ay bahagi naman ng joint military exercise.

Unang hiniling ni Marcos na maimbestigahan sa Senado ang paglapag ng US military aircraft sa NAIA sa katuwiran na wala itong clearance. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author