Dapat magkaroon ng malinaw na criteria kaugnay sa ipatutupad na living wage o ang sweldo na makakapagbigay ng maayos na buhay sa mga Pilipino.
Ito ang inihayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva matapos aprubahan ng National Capital Region (NCR) Regional Wage Board ang P40 wage hike para sa daily minimum wage.
Aminado ang senador na sa ngayon ang minimum wage na umiiral ay hindi sapat para magkaroon ng disenteng pamumuhay ang isang pamilya na may limang miyembro.
Sa Senate Bill No. 2140 na inihain ni Villanueva, layon nitong amyendahan ang wage fixing criteria ng Labor Code of the Philippines para ilagay ang living wage o sahod sa sentro ng pagtukoy ng regional minimum wage.
Nakasaad din sa panukala na dapat tiyakin na ang living wage na natatanggap ng mga manggagawa ay makakatulong para mabigyan ng sapat ng pagkain, damit, tirahan at edukasyon at general well-being ang kanilang pamilya.
Sinabi pa ni Villanueva, pinagkakasya lamang ng mga Pilipinong manggagawa ang kasalukuyang daily minimum wage na P306 hanggang P570 para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya tulad ng pagkain, transportasyon, gamot, tirahan at edukasyon.
Batay sa pag-aaral ng IBON Foundation, ang isang pamilya na binubuo ng lima sa NCR ay kailangan ng P1,160 kada araw para magkaroon ng disenteng pamumuhay. –ulat mula kay Dang Garcia, DZME News