Ipinagmalaki ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang katapangan at katatagan ng Pinoy seafarers kasabay ng kanyang pakikiisa sa komemorasyon ng Day of the Filipino Seafarer.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat ang Pangulo sa Pinoy Seamen na nagta-trabaho araw at gabi upang suportahan ang kanilang mga mahal sa buhay at ang buong sambayanan.
Sinabi ni Marcos na ang ipinamalas nilang katapangan at tibay ng loob sa kabila ng mga pagsubok ay kumakatawan sa matatag na tradisyon ng Filipino seafaring.
Idinagdag pa ng Pangulo na matagal nang naging sandigan ng mga Pilipino ang paglalayag upang matustusan ang kanilang pamumuhay at makabuo ng relasyong pang-ekonomiya at pangkalakalan sa ibang mga bansa.
Sa layo rin umano ng kanilang mga narating na lugar ay nakapagbigay ang seafarers ng pagkain, enerhiya, at pundasyon sa pagsulong ng bansa sa nagdaang mga siglo.
Kaugnay dito, umaasa ang Pangulo na ang selebrasyon ay patuloy na magbibigay sa kanila ng inspirasyon upang mamayagpag sa seafaring sector. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News