dzme1530.ph

Publiko, binalaan sa mga abusadong online lending apps

Pinag-iingat ni Sen. Sherwin Gatchalian ang publiko sa mga naglipanang online lending apps na anya’y may kapasidad na makuha ang mga pribadong impormasyon ng isang indibidwal.

Sinabi ni Gatchalian na batay sa pakikipagtalastasan niya sa mga financial technology experts, may mga app ngayon na kayang makuha ang mga pribadong impormasyon ng isang indibidwal partikular ang contacts nito, mga lugar na pinupuntahan at kung ano ang trabaho o pinagkakaabalahan.

Kaya sa mga nagnanais anyang mangutang, tiyakin munang awtorisado ang kumpanyang pag-uutangan at accredited ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Dapat anyang magduda ang isang indibidwal kung masyadong madali ang proseso ng pangungutang sa isang kumpanya dahil tiyak na may kapalit ito.

Sa normal anyang proseso, tinitignan pa ng kumpanya ang kapasidad ng isang tao na makapagbayad ng utang bago siya pautangin upang hindi ito malubog sa problemang pampinansyal. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author