Isinusulong ni Sen. Jinggoy Estrada ang panukala na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga kawatan na nagkukunwaring miyembro ng pulisya at ng militar sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga uniporme ng mga pulis at sundalo.
Sa Senate Bill No. 2149 ni Estrada, nais itaas sa prision mayor, o pagkakakulong ng anim na taon at isang araw hanggang 10 taon, ang umiiral na parusang arresto mayor, na may katumbas lamang na pagkakakulong ng isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan, para sa mga taong nagkukunwaring mga alagad ng batas gamit ang kanilang mga uniporme.
Samantala sa Senate Bill No. 2151, inirerekomenda ni Estrada ang pagpapalawak ng sakop ng RA 493 upang isama ang pagbabawal sa paggamit, pagsusuot, paggawa at pagbebenta ng mga uniporme at tela ng uniporme ng mga miyembro ng AFP, PNP at ng Philippine Coast Guard.
Mas mabigat na parusa anya ang dapat kaharapin ng mga ito dahil hindi lamang dinudungisan ang imahe ng mga alagad ng batas at sa halip ay paglapastangan din ito sa mga sumisimbolo ng disiplina, organisasyon at kahusayan ng mga taong nanumpa ng katapatan sa bandila, sa publiko at sa bansa.—ulat mula kay Dang Garcia, DZME News