Nagsampa ng criminal complaint ang isang ina laban sa executive director ng Gentle Hands Inc. (GHI), ang orphanage na ipinasara ng pamahalaan dahil sa mga paglabag.
Kaugnay ito sa pagtanggi ng opisyal ng bahay-ampunan na ibalik ang kanyang anak sa kabila ng paulit-ulit niyang kahilingan.
Sa limang pahinang complaint na inihain sa Quezon City Prosecutor’s Office, inakusahan ng isang ginang si Charity Graff ng kidnapping at failure to return a minor sa ilalim ng Article 270 ng Revised Penal Code.
Ayon sa complainant, ipinasok niya ang kanyang anak sa GHI noong Enero para sa pananatili lamang ng isang buwan dahil single parent siya at naka-indefinite leave ang nag-aalaga sa bata.
Simula aniya noon ay nagka-problema na siya sa makita ang anak at may isang pangyayari na sampung minuto lamang siya pinayagan na makita ito.
Sa kabila ng mga kahilingan para sa mas mahabang pagbisita, sinabi ng complainant na pinagbawalan pa siya ni Graff na makita ang kanyang anak at inakusahan din siya na “walang kuwentang ina.” —sa panulat ni Lea Soriano