Pumalo na sa 14 ang mga kaso ng Japanese Encephalitis na naitala sa Iloilo ngayong taon.
Ang Japanese Encephalitis ay isang uri ng viral disease na naililipat sa tao sa pamamagitan ng kagat ng infected na lamok o culex na malalaki at karaniwang makikita sa bakuran, lalo na sa mga nag-aalaga ng baboy at may sakahan.
Nilinaw ni Iloilo Provincial Health Officer Dr. Maria Quiñon, bagama’t apat ang naitalang nasawi mula sa nasabing bilang ng mga kaso, wala aniyang outbreak ng naturang sakit sa lalawigan.
Batay sa mga pag-aaral, karaniwang nakararanas ng lagnat, pananakit ng ulo at tiyan, at pagsusuka ang taong na-infect ng sakit na ito.
Sinumang makararanas ng mga nasabing sintomas ay pinapayuhang agad na magpakonsulta sa mga doktor. —sa panulat ni Airiam Sancho