Inaasahang bababa ang lokal na produksyon ng baboy sa bansa ngayong taon bunsod ng African Swine Fever (ASF), ayon sa United States Dept. of Agriculture (USDA).
Sa datos ng Foreign Agricultural Service ng USDA, tinayang bababa sa 925,000 metric tons ang local production ng nasabing produkto dahil sa pagkalat ng ASF sa ilang lalawigan sa bansa, partikular sa Central at Western Visayas Region, kabilang ang Negros Occidental, Negros Oriental, at Aklan.
Nabatid na ang mga nasabing rehiyon ang una at ikatlo sa pinakamalaking producer ng alagang baboy sa bansa noong nakaraang taon, kung saan naitala sa Region 7 ang 40,541 MT highest pork output sa First Quarter ng 2022 at sinundan ng Region 10 na nakapagproduce ng 38, 820 MT.
Kaugnay nito, sinabi ng USDA na nananatili sa P350 hanggang P375 kada kilo ang retail prices ng produktong baboy sa unang limang buwan ng taong 2023 habang bumagsak sa P250 kada kilo ang imported na produktong baboy.
Samantala, base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa 10.18 million ang hog inventory sa bansa sa First Quarter ng 2023, mas mataas ng 4.2% kumpara sa nakalipas na taon. —sa panulat ni Airiam Sancho