Dapat maging proactive ang law enforcement agencies kasama na rin na mga lokal na pamahalaan kaugnay sa sinasabing regrouping at pagpapalakas pa ng pwersa ng Maute Group.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kasabay ng pahayag na dapat ay may natutunan na ang lahat sa mga nakalipas na pananakop ng Maute Group sa Marawi noong 2017.
Aminado si dela Rosa na noong 2017, may pagkukulang sa intelligence gatherings ang mga awtoridad dahil ang mga nakatalagang pulis sa Marawi noon ay naging masyadong pamilyar sa lugar at nagtiwala nang husto sa mga tao.
Naging relax anya ang mga pulis at nakalimutan na may malaking problema ng terorismo.
Ito anya ang mga bagay na hindi na dapat pang maulit at kailangang tiyakin ng liderato ng PNP sa ngayon na magiging aktibo ang kanilang mga tauhan sa pangangalap ng mga impormasyon laban sa teroristang grupo.
Maging ang lokal na pamahalaan anya ay dapat na maging proactive upang mabilis na maaksyunan ang mga posibleng paghahasik ng kaguluhan ng teroristang grupo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News