Binalaan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang mga tauhang hindi magbigay ng tamang serbisyo sa kanilang nasasakupan at masangkot sa katiwalian na magreresulta sa pagkawala ng benepisyong kanilang pinaghirapan.
Ito ang binigyang diin ni NCRPO Director, P/MGen. Edgar Alan Okubo matapos ang kaniyang pag-iikot sa mga himpilan ng pulisiya sa Metro Manila.
Partikular na binigyang pansin ni Okubo ang paglalagay ng karagdagang CCTV, pagtatalaga ng dagdag na Pulis sa mga Sub-station at pagpapaigting ng seguridad sa kanilang detention facilities.
Layon nitong matiyak kung nasusunod ba ang mga pamantayan ni PNP Chief, P/Gen. Benjamin Acorda Jr tulad ng kalinisan ng himpilan, tamang bihis ng mga Pulis.
Sinabi pa ni Okubo na kanilang tinutugunan ang mga pagkukulang na kailangang punuan subalit nais niyang makita sa kaniyang mga tauhan ay mabigyan ang publiko ng maayos na serbisyo at mawala na ang katiwalian sa kanilang hanay. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News