Target ng National Dairy Authority (NDA) na taasan ng 500% o katumbas ng 800M litro ang lokal na produksyon ng gatas sa loob ng limang taon.
Sa World Milk Day na idinaos kahapon, sinabi ni NDA Administrator Gabriel Lagamayo, sa kasalukuyan ay nasa 1% ng national dairy requirement ang local milk production, na basehan ng sufficiency level.
Binigyang-diin ni Lagamayo na habang pinalalakas ng mga kooperatiba ang produksyon ng gatas, marami pa rin sa mga ito ang humaharap sa mga hadlang.
Binanggit ni Emeliza Laurenciana, chair ng Santa Maria Dairy Farmers Multi-Purpose Cooperative ang mga problema na kanilang nararanasan gaya ng hindi pagkakaroon ng island-born milking cows, mahabang panahon ng pag-aalaga ng guya, imported milking cows na hindi angkop sa klima ng Pilipinas, at ang mismatch sa araw-araw na pagkonsumo at produksyon ng sariwang gatas.
Samantala, positibo ang NDA at Dairy Confederation of the Philippines na malalampasan ng taong ito ang produksyon ng gatas noong nakaraang taon. —sa panulat ni Airiam Sancho