Kinasuhan na ng mga prosecutor ng Department of Justice (DOJ) ang pitong miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity kaugnay sa umano’y pagkamatay ng Adamson student na si John Matthew Salilig dahil sa hazing.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Earl Roemero, Tung Cheng Teng Jr., Jerome Ochoco Balot, Sandro Victorino, Michael Ricalde, Mark Muñoz Pedrosa, at master initiator na si Daniel Perry dahil sa paglabag ng mga ito sa Anti-Hazing Law of 2018.
Ayon sa DOJ, dalawang magkahiwalay na criminal information kaugnay sa paglabag sa nasabing batas ang isinampa sa Biñan City Regional Trial Court laban sa mga nasabing suspek.
Matatandaang narekober ang bangkay ni Salilig sa isang bakanteng lote sa Imus, Cavite noong February 28, sampung araw matapos iulat na ito ay nawawala.