dzme1530.ph

6 Pinoy na biktima ng “love scam” human trafficking sa Myanmar, nasagip matapos tumakas patungong Thailand

Na-rescue ng gobyerno ng Pilipinas ang anim na Pinoy na biktima ng “love scam” human trafficking sa Myanmar.

Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission, nagawang makatakas ng apat na kalalakihan at dalawang kababaihang Pinoy, at naglakbay sila mula Myanmar hanggang Thailand.

Nasagip sila sa pakikipagtulungan sa Office of the Police Attaché sa Thailand, habang binigyan na sila ng legal, medical, at psychological aid ng Inter-Agency Council Against Trafficking at Philippine Women and Children Protection Center.

Ang anim na Pinoy ay na-biktima ng recruitment sa pamamagitan ng social media, at pinaniwala umano sila na magta-trabaho sa Thailand bilang customer service representatives.

Gayunman, pagdating sa Thailand ay dinala sila sa Myawaddy Myanmar, at pinag-trabaho sila sa love scam at cryptocurrency operations.

Kinuha rin ng sindikato ang lahat ng kanilang pasaporte, personal items, at iba pang kagamitan.

Nakabalik na ng bansa ang mga biktima noong May 11, at inabutan na sila ng financial assistance ni PAOCC Chairman at Executive Secretary Lucas Bersamin, kasabay ng pag-uutos ng imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng illegal recruitment. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author