Nag-kansela na ng bakasyon sa Puerto Galera ang daan-daang turista matapos ipahayag ni Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor na bagsak sa water quality test ang tubig sa lugar.
Ayon kay Mary Christine Ibon, Senior Tourism Officer ng Puerto Galera, mahigit 500 turista ang sunud-sunod na nag-cancel ng kanilang bookings kahit pa magpasa-hanggang ngayon aniya ay nananatiling oil spill-free ang kanilang lugar.
Apela ng Puerto Galera LGU sa mga turista, 11,000 tourism workers ang maaapektuhan, at P5.5 milyon kada araw ang lugi sa kita ng turismo, kung magpapatuloy ang kanselasyon ng mga magbabakasyon.
Samantala, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang dahilan kung paano napadpad ang naka-plastic at naka-drum na 20 litro ng maitim na langis sa Haligue Beach sa Puerto Galera nitong Lunes.
Ayon sa PCG sub-station sa Puerto Galera, hindi pa nito lubos masasabi kung sinadyang ilagay sa dagat ang natagpuang langis.