dzme1530.ph

5 sasakyan, nagkarambola sa Maynila; 1 sugatan

Mistulang nilamukos na lata ang isa sa limang sasakyan na nagkarambola sa southbound lane ng Quirino Avenue malapit sa Plaza Dilao sa Maynila.

Kinasangkutan ito ng isang sedan na taxi, dalawang hatch back na kotse at dalawang dump truck.

Ayon sa mga driver na nasangkot sa insidente, mabilis ang takbo ng nahuhuling dump truck na may plate number na RND-916 kung kaya’t nasalpok nito ang kotse na may plakang NER-8321.

Dahil dito, nadamay ang isa pang truck at isa pang kotse kabilang na ang taxi.

Nangyari ang insidente pasado alas-6:10 ng umaga kung saan sugatan ang isang driver ng hatch back na kotse, una’y naging pahirapan pa ang pagsagip, matapos maipit sa loob ng sasakyan, na kaagad namang na naisugod sa Ospital ng Maynila.

Pasado 10:20 kaninang umaga ng tuluyang maialis ang mga sasakyang involved sa aksidente.

Kaugnay nito, maluwag na rin ang daloy ng trapiko sa lugar, na kanina ay nag dulot ng mabagal na usad ng mga sasakyan mula Nagtahan patungong Quirino Avenue Southbound. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News

About The Author