dzme1530.ph

5 Chinese na dinakip sa raid sa Las Piñas City, nasa kustodiya pa rin ng pulisya

Nasa kustodiya pa rin ng pulisya ang limang Chinese na inaresto sa Anti-Human Trafficking Operation sa Las Piñas City, sa kabila ng release order mula sa Department of Justice, ayon sa abogado ng mga dayuhan.

Unang inihayag ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na ang inquest proceedings sa limang tsino ay nagresulta sa kanilang paglaya “for further prelimary investigation.”

Napaulat na ni-release na ang limang dayuhan mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City subalit inilipat umano sila sa POGO Compound sa Las Piñas.

Ikinulong umano sila sa isang kuwarto at pinagbawalang gumamit ng telepono.

Inihayag ng kampo ng mga suspek na maghahain sila ng petition for habeas corpus para pakawalan ang limang banyaga. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author