Pinarangalan ng medalya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang apat na sundalong nasugatan sa operasyon ng militar laban sa Dawlah Islamiya-Maute Group noong Jan. 25 hanggang 26.
Sa pag-bisita sa Army General Hospital sa Fort Bonifacio Taguig City ngayong araw ng Lunes, personal na isinabit ng Commander-in-Chief ang Gold Cross Medals sa dalawang sugatang sundalo bilang pagkilala sa kanilang husay sa misyon.
Ginarawan din ng Military Merit Medals with Bronze Spearhead Device ang dalawa pang sundalong nagkaroon din ng mahalagang papel sa operasyon.
Kasama ng Pangulo sa pag-bisita sina Defense Sec. Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., at Army Chief Lt. Gen. Roy Galido.
Mababatid na noong nakaraang buwan ay nagkasa ng operasyon ang 3rd Scout Ranger Battalion sa Piagapo Lanao del Sur, kung saan matagumpay na na-neutralize ang siyam na terorista kabilang na ang mga suspek sa pambobomba sa Mindanao State University sa Marawi City.