Humiling ng tulong ang pamahalaan ng South Korea sa Department of Justice (DOJ) na mapabalik sa kanilang bansa ang tatlo nitong mamamayan na pinaghahanap ng batas sa Seoul.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hiniling ni Ambassador Kim Inchul na mapabalik ang tatlong pugante na ngayon ay nakakulong sa Bureau of Immigration (BI) detention facility sa Taguig.
Naipadala na umano ng consul general ng South Korea sa DOJ ang formal request ayon kay Remulla.
Wala namang ibinigay na detalye ang DOJ sa pagkakakilanlan ng mga pugante ngunit tiniyak ni Remulla na pag-aaralan nito ang kahilingan ng opisyal.
Matatandaan na ipina-deport pabalik sa kanilang bansa ang apat na pugante na miyembro ng “luffy’s gang” na sangkot sa iba’t-ibang krimen sa Japan.