Patay ang tatlong Pilipinong mangingisda nang mabangga ang sinasakyang bangka ng Chinese commercial vessel habang nasa karagatang sakop ng Scarborough Shoal, ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine Coast Guard.
Kabilang sa mga nasawi ang kapitan ng bangka na si Dexter Laudencia, 47-anyos, at mga crew na sina Romeo Mejeco, 38-anyos, at Benedicto Olandria, 62-anyos
Isang crew member ng FFB DEARYN ang nagbahagi ng insidente na nangyari madaling araw noong Okt.2.
Nakadaong aniya ang kanilang bangka sa layong 85 nautical miles sa hilagang silangan ng Scarborough Shoal, na kilala rin bilang Bajo de Masinloc nang mabangga ito ng foreign vessel dahil sa masamang panahon.
Ligtas naman ang 11 pang crew members, kung saan ginamit nito ang kanilang walong service boats upang maka-alis sa nasabing lugar kasama ang mga biktima na dinala sa Barangay Cato, sa Infanta, Pangasinan.
Dumating naman ang mga nasabing indibidwal alas-10 ng umaga kahapon, Oktubre 3, at agad na inireport ang insidente sa pinakamalapit na Coast Guard Sub-station. —sa panulat ni Airiam Sancho