Tatlo hanggang apat na personalidad ang posibleng nasa likod ng pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Naniniwala si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na mayroong sabwatan na nangyari subalit mayroong mastermind.
Sinabi ni Remulla na maaring tatlo haggang apat na indibidwal ang nagplano at kumuha ng ibang tao para sumapi.
Inihayag din ng kalihim na ang mga mastermind ay hindi kinakailangang malalaking tao.
Una nang napaulat na dalawa sa naarestong suspek ang itinuro si Negros Oriental Rep. Arnie Teves bilang utak ng pagpatay kay Degamo na kalaban nito sa politika.
Gayunman, nilinaw ni Remulla na wala pa siyang natatanggap na impormasyon tungkol sa pagdadawit ng mga suspek kay Teves.
Sinabi na rin Remulla sa nakalipas na panayam na lahat ng may kinalaman sa nangyari sa Negros Oriental ay kanilang iniimbestigahan.